Kailan mo masasabi sa sarili mo na dapat ka nang magbago?
Minsan, naiisip ko kung pantay-pantay nga lang ba ang mga tao? Na walang nakakataas o hinahamak. Walang nasa posisyon o nasa pinakamababang antas. Totoo ba na dapat ay pantay ang tingin mo sa lahat? Fair ika nga. Walang kinikilingan. Hindi bias. Paano kung sila ay hindi ganun ang iniisip sa'yo?
Mula noon pa, sinisikap kung lumaban ng parehas. Kumbaga, fair and square lang. Walang inaagrabyadong panig. Nasa tama ang posisyon. Hindi nagmamalaki, hindi nanglalait. Isang pananaw na natutunan ko sa aking ama. Isang kaisipan na aking hinangaan at ginagaya. Ganun si ama, patas kung makipag-ugnayan.
Simula noon, inidolo ko si ama. Sa kanyang mga ideya na pabor sa lahat, kinagiliwan at naging lider ng karamihan. Ang kanyang mga punto-de-bista ay makatwiran. Hindi maikakaila na naging huwaran si ama sa mga tao sa pagiging patas at walang kinikilingan. Ganun si ama, laging walang nakalalamang sa kanya.
Pinalaki kami ni ama sa ganitong paraan. Sa apat na magkakapatid, ipinaramdam niya ang kanyang pagmamahal ng pantay-pantay. Kung ano ang meron sa isa ay nagkakaroon din ang lahat. Palagi niyang pinaaalala sa amin ang pagbibigayan. Ang panlalamang sa kapwa ay walang maidudulot na kabutihan. Minulat niya kami sa konseptong ganito. Mula pagkabata ay hindi nagkulang si ama sa pagmamahal at mga pangaral.
Sa aming lugar ay idolo si ama. Madalas siya ang pinupuntahan kung may komusyon o pagtatalo. Sa kanyang makatwirang hatol, lahat ay nareresolba. Hindi naglaon ay ibinoto siya bilang puno sa aming lugar. Dito ay lalo siyang hinangaan at naging modelo ng isang makatwirang pinuno. Ganyan si ama, lahat ay pantay-pantay sa kanya.
Sa simula ay tinatanggap ko ang ideya na ito. Nakikita ko ang pagiging mabait ng lahat kay ama, ngunit hindi ko maiwasang isipin sa sarili ko kung hanggang kelan niya ito gagawin? Hanggang kailan siya magbibigay sa lahat? Paano kung maubusan na si ama, saan na siya kukuha? Paano kaming pamilya niya?
Magtatapos na ako nang aking pag-aaral sa kolehiyo 'nun nang sumulat ako sa aking mga magulang upang imbitahan sila sa aking gradweysyon. Natuwa si ama. Sa wakas ay akin nang maipagmamalaki si ama sa lahat ng aking mga guro at kaibigan. Sa wakas ay maihaharap ko sa lahat ng tao sa unibersidad na iyon ang aking ama. Magtatapos ako bilan Cum Laude.
Araw ng pagtatapos at wala si ama. Nagkaroon daw ng sunog sa kabilang baryo at tumulong ang aming lugar sa kanila, sa pamumuno ni ama. Ang aking ina, kasama si ate at kuya ay nagsilbing buhay na saksi sa aking mga parangal at speech. Wala si ama.
Dito ko napagtanto na hindi ganun kagaling si ama...
Hindi naglaon ay bumuti ang aking lagay sa buhay. Nagkaroon ng mabuting trabaho at mabuting kabiyak sa buhay. Kahit may tampo kay ama, sinikap kong magpakabuti dahil sa mga turo niya na talaga namang tama. Ngunit ang lahat ng iyon ay nawala sa isang iglap ng aking buhay. Kahit anong sipag ko at tyaga sa aking trabaho, ako ay napili pa rin na tanggalin ng aking boss, sa hindi paring maliwanag na kadahilanan.
Naisip ko, saang punto ba ako nagkamali? Mali ba ang ginagawa ko?
Bumalik ako upang makita si ama. Ngunit pumanaw na ito. Marami akong tanong na hindi nasagot. Marami akong nais maliwanagan na hindi nabigyan ng kasugutan. Sagot na tanging si ama lamang ang makapagbibigay.
Pagkauwi ay tinanong ko si ina. "Bakit may mga tao na nanlalaman sa kanilang kapwa?" Sumandali ay dumungaw si ina sa bintana, "Matagal ko na iyang sinasabi sa iyong ama, ngunit matigas ang kanyang paninidigan.." Oo, alam ko na ganun nga si ama. Alam ko na tama si ina, hindi maitatanggi ang prinsipyong iyon ni ama. "Pero nakikita ko ang ngiti at saya ng iyong ama sa tuwing ginagawa niya iyon.." "Marahil, tama na rin siya." Bumalik sa mga alaala ko ang mga pangaral ni ama. Nagtatalo sa aking isipan ang aking karanasan sa syudad at ang mga pangaral na aking kinalakihan.
Dapat pa ba akong magpatuloy? O gumaya na lamang sa takbo ng panahon?
Ano ang kinamatay ni ama? Sumagot si ina, "Nahawa ng TB sa isang pasyente na kanyang inalagaan sa health center"
Magagalit ba ako, o matutuwa?
Umuwi ako sa aking pamilya na puno ng mga tanong na ito. Pero minabuti kong ngumiti. Nakikita ko sa isipan ko ang mukha ng aking ama. Nakangiti. Kontento. Sa puntong iyon, kahit papano ay nasagot ang ilan sa mga tanong ko.
Ngunit, wala pa rin akong trabaho.
0 KOMENTO:
Post a Comment