Friday, December 4, 2009

Pause


I thought I didn't need you
Thought I could rule the world without you by my side
As the world bears down on my shoulders
I find the fear doesn't subside

Where have you been?
I've been so alone
I don't know how I've lasted this long

You said "The fires won't consume you,
And in the rivers you won't drown"
I wish to pause this moment
'Cause as I cry I start to realize
What's missing was you


I need you
You give me strength
You take away my fear
There was a void in my heart that only you could fill

Where have you been?
I've been so alone
I don't know how I've lasted this long

You said "The fires won't consume you,
And in the rivers you won't drown"
I wish to pause this moment
'Cause as I cry I start to realize
What's missing was you...

Tuesday, December 1, 2009

Disyembre na? Nasaan ang hustisya?

Unang araw ng Disyembre, umiihip na nga ang malamig na hangin pero hindi pa Pasko, kaya Anthony, huwag kang magfiling na nagbubukas ka na ng mga regalo, o kumakain ng tasty bread na may palamang hamon at mayonnaise. Ang aga mong mangulet sa mga ninong at ninang mo para sa kanilang pamasko sa iyo. Ilang taon ka na ba? Ang kapal ng mukha para humingi pa ng aginaldo. Hapit ka Anthony, lol.

--Nung isang araw pa masama ang pakiramdam ko, magbuhat ng umuwi ako mula sa isang rock concert sa MOA, hindi na gumanda ang aking pakiramdam.

Unang araw na nang Disyembre, ang buwan ng mga bata. Ang buwan na kung saan mas mapera pa sa akin ang pamangkin kong pitong taong gulang. Makikita mo na lang ang buntol na ampaw sa kanyang bulsa, naglalaman ng hindi bababa sa isang daang piso. Ibang klase rin kung dumiskarte ang pamangkin kong ito, tuwing araw ng Pasko, siya na ang maagang lumalapit sa kanyang mga ninong at ninang para kunin ang kanyang regalo. Naisip ko, mas cute nga namang tignan na ang mismong inaanak ang kukuha kesa ang mga magulang pa ang pupunta at sasamahan ang kanilang anak. Siguro takot din ang pamangkin ko na makupitan sa kanyang mga napamasko. Wais. Maige nang sa kanya papunta lahat.

Masipag. Walang nakakalimutang ninong at ninang. Ipapaalala ko pa lang na puntahan si ganito at si ganyan eh napamaskuhan na nya, nakapagmeryenda pa. Mabilis pa sa alas kwarto ang batang ito basta may pamasko sya. Sa taba nya at taglay na kachubby-han, hindi mo aakalain na ganun siya kaporsige na lumaboy at manghuthot ng pera sa kanyang mga ninong at ninang. Mautak din ang pinsan ko at puros may-kaya ang ginawang mga ninong at ninang, para kumita ang anak.

Naalala ko lang na ikwento ang pamangkin kong ito, kasi nakita ko na naman siya kanina. Na-miss ko lang ng sobra.

Mabuti pa ang mga bata, mapera sa araw ng Pasko. Try ko rin kayang mamasko? Wala ng bata-bata. Mahirap ang buhay ninong... lol.

**Hiatus.**


*hindi talaga ako namamasko, ayokong magkaroon ng impresyon sa akin na humahapit talaga ako sa regalo, naglaro lang sa isipan ko ngayon ang ideya na ito at natuwa lang ako sa pamangkin ko kanina at nabutas ang aking bulsa nang maalala nyang hindi ko siya nabigyan ng pamasko last year. Anthony



Ang blog na ito ay nananawagan sa agarang aksyon ng ating pamahalaan para sa ating mga kababayan na naging biktima ng malagim na trahedyang nangyari sa Maguindanao. Nawa'y gumulong ang hustisya sa bawat naging biktima at mapatawan ng karampatang sala at mapanagutan ang mga dapat panagutan sa nangyaring ito. Sumuko ang mga dapat sumuko. Panagutin ang mga dapat panagutin at tumulong sa mga naulila.




Ilang bahagi ng report ukol sa Maguindanao Massacre, i-click dito

Friday, November 27, 2009

Huwag ganun

Bakit pakiramdam ko ay pinaglalaruan ako ng mga taong nakapaligid sa akin. Silang mga itinuring kong mga kaibigan, o higit pa sa isang kaibigan. Bakit ganito ang pakiramdam, na kung minsan ay parang hindi ko na alam kung sino pa aking mapagkakatiwalaan. Hindi ko na kayo kilala.

Ikaw, ikaw na naging malapit na sa akin. Mula elementarya ay naging kaklase at naging matalik na kaibigan. Magkaiba man ang landas na ating tinahak, nananatili ka pa rin sa aking puso, isang puwang ang iniwan ko para sa iyo. Ngunit ano ang nangyari, sa aking pagsasabi ng totoong nararamdaman, ikaw ay umiwas. Lumayo, kinalimutan ang lahat. Mali ba ang aking ginawa? Ikaw na humingi ng tulong sa akin, na hindi ko tinanggihan ni minsan man. Sa aking panahon at oras ikaw ay may lugar. Sa bawat pakiusap ng pangangailangan, nariyan ako upang tumulong. Wala akong hininging kapalit o ano. Natakpan ang lahat ng isang hindi pagkakaintindihan. Ang lahat ay parang bulang naglaho, kasabay ng pag-iiba ng tingin mo sa akin. Ano ba ang naging mali ko?

Ikaw, na aking pinahalagahan noon. Ikaw na ni minsan ay hindi ko sinumbatan. Ikaw na magpasa-hanggang ngayon ay aking minamahal. Ikaw na pinagbuhusan ko ng aking oras, nang panahon at mga pangarap sa buhay. Ngunit iniwan mo ako. Ikaw na walang maisusumbat sa akin na pagkukulang. Ikaw na aking binusog ng pag-aalaga at sobrang pinag-uukulan ng aking oras. Ikaw na para sa akin ay ang aking kaligayahan, isang pag-aari na sana ay aking pag-iingatang panghabang buhay. Sa iyo ko binuo ang isang mabuting buhay, sa iyo ang landas ay naging malinaw. Ngunit ano ang nangyari? Isang iglap ay napawi ang ligaya. Ang lahat ay parang hanging umihip lang. Saan ba ako nagkulang sa iyo? Masakit na kahit ngayon ay para akong nakapasamang tao sa iyo. Sa kabila ba ng aking nagawang kabutihan, sa pag-uukol ng aking puso, ay matatakpan lang ng isang pagkakamali ang lahat?

Ikaw, tinuring kong "sanggang-dikit". Kasama sa lahat ng lakad, kumikilala ng higit sa akin kaysa sa iba. Ikaw na itinuring kong kapatid. Bakit pati ako ay nagawa mong lokohin? Sa iyong pananalita, makikitang hindi ka nagsisisi. Masakit kahit ikaw ang sumira sa aking pangalan, o kahit sa aking buhay, pero wala akong tinanim na galit sa iyo. Ni lumaban ay hindi ko ginawa. Ni ang maghiganti ay hindi ko inisip. Ikaw na umagaw sa aking kaligayahan. Bakit mo iyon ginawa?

Kayo, kayong mapanghusgang mga isip. Isang kwento ang bumago sa iyong mga pananaw. Isang bulong ang nagsilbing mitsa para ako ay ituring na makasalanan. Anong karapatan niyo para ako ay tingnan ng ganyan, na parang yumuyurak at dumidiin sa akin. Hindi nyo alam ang tunay na nangyari. Hindi nyo alam ang ugat ng lahat. Hindi nyo alam ang inyong sinasabi. Ikinulong nyo ako sa isang panghabang buhay na impresyon, na hindi ko dapat tanggapin. Ipinamukha nyo sa akin na kayo lang ang tama, na ako ang mali. Walang mali. Hindi ako ang mali. Walang mali sa aking ginawa. Sino kayo para sabihing mali ang isang tama, o tama ang isang pagkakamali?

Ikaw, akala ko ay napakabuti mo. Akala ko ay naiiba ka sa lahat. Ikaw na aking pinuntahan ng ako ay nawawala. Ikaw na aking hinanap nun ako ay naliligaw. Ikaw na aking ginawang sandigan sa panahong ako'y mahina. Ngunit hindi pala ang inaakala ko ang tama. Bakit ka nagsinungaling? Ano ang iyong dahilan? Ayaw mo ba akong saktan o talagang wala ka lang balak sabihin sa akin ang totoo?

Ikaw, ang taong aking pinahahalagahan ngayon. Bakit mo ako pinaglalaruan? Ano bang ginawa ko sa'yo para paikutin ang aking damdamin? Ikaw na napakabait sa lahat at kinagigiliwan ng nakararami. Ikaw na gusto ng lahat at minamahal. Ako, akong tao na maayos na nakiharap sa iyo. Pagkatapos ng katotohanan, ikaw ang nagpasya, maging ako ay nagdesisyon. Ngunit sino ka para gamitin ang pakiramdam na iyon sa akin? Bukas ay hindi, ngayon ay oo, sa darating ay wala, noon ay meron. Para sa akin ba ang iyong sinasabi o para rin sa iba?

Hindi naman sa nagagalit o nagtatanim ng sama ng loob sa inyo, na hindi ko naman iniisip pero huwag naman sanang ganun. Huwag ganun.

Wednesday, November 25, 2009

Magpapakamatay ka ba?

Ang 10 suicide tips na ‘to ay galing sa libro ni Mr. B. O. (Ang Paboritong Libro Ni Hudas). Mungkahi nya to para sa ligtas, maginhawa at di malilimutang pamamaalam sa mundo. Eto na.

*natuwa lang ako -Anthony


1. Bago ang lahat, alamin muna ang tamang dahilan sa pagsu-suicide. Kung ang problema mo ay dahil lang naman sa wala kang pera o iniwan ka ng minamahal mo, hindi ka dapat magpatiwakal. Ang mundo ay tambak ng mga tao na pwede mong mahalin, at ang pera naman ay pwedeng kitain, kaya hindi ka dapat mawalan ng pag-asa. Ang pagkitil sa sariling buhay ay karapatan lamang ng mga taong gumagamit ng cellphone at nakikipagkwentuhan sa loob ng sinehan.

2. Kung desidido ka na gagawin mo at sa tingin mo ay meron kang tamang dahilan para gawin ito, ang susunod mong hakbang ay ang pagpili ng paraan ng pagkakamatay. Ang mga popular na paraan ay ang pagbibigti, pag inom ng lason, pagtalon sa riles ng tren, pagbaril sa ulo (o sa puso, kung wala ka nang ulo pero buhay ka pa rin), at paglaslas ng pulso. Ang mga jologs na paraan ay ang pagtalon sa mataas na gusali, pagpapasagasa sa EDSA, at pagpigil ng hininga. Tandaan na maaari ka pang mabuhay pag nagkamali ka sa pagsasagawa ng mga nabanggit, kaya pumili lamang ng isa na hiyang sa ‘yo. Bukod diyan, marami rin sa mga paraan na ito ang makalat at nakakapangit. Dyahe naman kung pagtitinginan ng mga tao yung mukha mo sa ataul tapos mukha kang dehydrated na langaw.

3. Sumulat ng suicide note. Eto ang exciting. Dito pwede mong sisihin lahat ng tao, at wala silang magagawa. Sabihin mo na hindi mo gustong tapusin ang iyong buhay, kaso lang bad trip sila lahat. Pero ‘wag ding kalimutan humingi ng tawad sa bandang huli para mas cool pag ginawang pelikula ni Carlo J. Caparas ang buhay mo. At tandaan, importante ang suicide note para malaman ng mga tao na nagpakamatay ka nga at hindi na-murder. Sa ganitong paraan maiiwasan ng PNP ang pagkuha sa kalye ng kahit sinong tambay bilang suspect.

4. Pumili ng theme song. Banggitin ang iyong special request sa suicide note. Ipagbilin na patugtugin ito sa prusisyon ng iyong libing. Iwasan ang mga kanta ng Salbakutah. Dapat medyo mellow at meaningful…tulad ng mga kanta ng Sexbomb.

5. Isulat nang maayos ang suicide note. Gumamit ng scented stationery at #1 Mongol Pencil. Lagdaan. Huwag gumamit ng sticker. Ilagay ang suicide note sa lugar na madaling makita. Idikit sa noo.

6. Planuhin ang isusuot. Isang beses ka lang mamamatay, kaya dapat memorable ang get-up. Pumili ng mga telang hindi umuurong o makati sa katawan. Magbaon ng dalawang pares pampalit pag pinagpawisan ka.

7. Kumuha ng de-kalidad na ataul. Maganda ang kulay puti dahil malamig at kumportable kahit tag-init. Huwag magtipid. Mas makakamura kung bibili na ng cable-ready, kesa magpapalit pa balang araw.

8. Pumili ng magandang pwesto sa sementeryo. Ang punto ng mga taong ipinanganak sa year of the Rat, Dragon,Rabbit, Snake, Tiger, Chicken, Pork, at Beef ay dapat nakaharap sa Fiesta Carnival. Ang mga ipinanganak sa ibang taon ay dapat i-cremate at gawing foot powder, para gumaan ang pasok ng pera. *yung hindi binabaha! -Anthony

9. Itaon ang araw ng libing sa unang dalawang linggo ng buwan, o di kaya’y sa huling dalawang linggo, para gumaan ang pasok ng pera!

10. Kung meron ka nang NBI at police clearance, affidavit of loss, voter’s ID, cedula, promissory note, original copy ng birth certificate, at urine sample, pwede mo nang isagawa ang kalugod-lugod na gawain. Siguraduhin lang na hindi ka mababalita sa tabloid, katabi ng mga article tungkol sa kabayong may tatlong ulo, at sirenang namataan sa Manila Bay. Para gumaan ang pasok ng pera.

Sunday, November 22, 2009

Hapi Kaarawan

Kahapon, bertdey ko.

Maikli lang, gusto ko lang magpasalamat sa mga nagteteks ng bertdey gritings, sa mga nangulet ng libreng pagkain, ang kakapal nyo! hehe, sa mga nagpost ng bertdey gritings nila sa wall ng fezbuk ko, maraming salamat, sa mga nag-abala na paghandaan ako at bigyan ng pakanton kahit ang balak ko lang talaga kahapon ay magkulong sa bahay (ginagawa ko yun sa tuwing bertdey ko, ang magkulong sa bahay at hindi lumabas, iniisip ko na malas yun kasi pag bertdey ko daw, sina-shower ako ng blessings kaya di ako lumalabas, ok ba? ako lang ang nag-imbento ng pamahiin na yan, pwera gaya!), maraming maraming salamat sa inyo, sa uulitin. Walang nagbigay ng regalo sa akin, kaya naghihintay pa rin ako hanggang ngayon na may mag-abot, lol.

Una syempre kay Bro, maraming salamat at ipinamukha mo na naman sa akin na nadadagdagan na naman ang edad ko. Maraming salamat sau Bro, at hindi mo pa ako kinukuha. Maraming salamat sa mga biyaya sa araw-araw. Kahit wala na ang paborito kong lola sa aking bertdey, pakiramdam ko ay kapiling ko pa rin sya, basta wala lang takutan pag gabi lola... mahina ang puso ko sa gulatan! Salamat din sa mga magulang ko at napapaiyak sila dahil nanalo kami sa jueteng kahapon, tinayaan pala ni mama ang bertdey ko at ang araw ng kamatayan ni lola. Ayun, nagkakamal sila ng limpak na salapi kahapon. Swerte talaga akong anak sa kanila.

Salamat din sa mga kaibigan ko sa lahat ng panig, mga dating kaibigan, bago, internet friends, at sa kung saang saan panig na bumati sa akin, maraming salamat. Sa pinakamamahal ko, salamat sa oras at panahon, naging makahulugan ang araw na iyon sa akin dahil sa iyo. Maraming salamat sa inyong lahat.

Kahapon, bertdey ko. Normal lang. Pero nagpapasalamat ako. Walang clue sa tunay na edad ko.

Friday, November 20, 2009

Payward 610 - End

Gabi na nang makabalik ako sa ospital para tulungan ang aking ama sa pagbabantay sa maysakit kong lola. Galing sa isang pang-gobyernong opisina, naglakad ng mga papeles para sa isang scholarship. Mula sa biyahe, dumiretso na ako patungong payward para makatipid ng oras. Kesa naming uuwi pa ako sa bahay, mamamasahe ulit eh lalo pa akong gagabihin. Bukod sa pagod, wala rin akong tulog mula madaling araw sa pagbabantay sa aking lola.

Pagkakain ng hapunan
, pinalitan ko ang aking ama sa pag-aalaga kay lola para sya naman ang makapagpahinga. Sinubukan kong umidlip ngunit hindi na iyon nangyari sa sunod sunod na aberya na naganap. Maging ang tatay ko ay hindi na nagawang matulog sa mga daing at sakit ng aking lola. Nariyan ang pananakit ng kanyang mga binti at braso dahil sa pamamanas, pananakit ng ulo at batok, hindi maayos na paghinga marahil sa kanyang sakit na pneumonia at pagduruwal. Tinawag ko ang naka-duty na nurse ng oras na iyon at binigyan si lola ng ilang mga pain killers.

Ilang sandali pa ang lumipas ng dumating ang tiyahin kong nurse na doon rin nagtatrabaho sa
ospital na yun. Kinumusta ang kalagayan ng aking lola at tinanong kung ano ang kanyang mga nararamdamang sakit. Nag-usap sila ng mabuti at nagpaalam na rin si tita, umaasa ng paggaling at ibayong paglakas ng katawan ni lola. Malamig na ang mga sumunod na pangyayari.

Alas tres ng madaling araw ng dumaing ng pananakit ng puson si lola. Tinawag ni papa ang atensyon ng naka-duty na nurse upang matignan ng doktor ang pasyente. Agad siyang binigyan ng reseta upang bilhin. Naiwan lamang ako sa kwarto kasama ang dumadaing kong lola. Sumunod nun ang pagkahapo ng kanyang pakiramdam at paghahabol sa hangin. Tinawag ko ulit ang nurse para ayusin ang nakalagay na oxygen sa kanyang ilong para sa ikaluluwag ng kanyang paghinga.


Marami kaming napagusapan ni lola habang hinihintay ang binibiling gamot. Tungkol sa kanyang mga anak at mga apo. Pilit nya paring ipinalalakad sa akin ang kanyang GSIS benefits, marahil para sana sa ipambabayad sa aming kwarto sa ospital. Ipinakuha nya sakin ang rosaryo na idinikit ko nun isang araw sa may pader na nakaharap sa kanya. Ipinasuot nya iyon sa kanyang leeg at ilang sandali syang nagdasal. Inaantok man ako, malinaw sa pandinig ko ang mga inuusal nyang dasal, mga pakiusap at daing ng pananakit hindi lamang ng katawan maging narin ang kanyang kalooban…marahil. Sinabi kong lakasan niya ang kanyang loob. Lumaban. Ang siya niya sa akin, “hindi ko maipapangako yan, apo…”


Sinusubukan kong umidlip. Hindi ko na kaya ang antok. Sa tuwing ginagawa ko iyon, ginigising ako ni lola, itinatanong kung dumating na ba ang tatay ko. “Madaling araw pa ho lola, sarado ang mga botika, medyo mahirap hanapin ang gamot ninyo..” at pipikit, babaling ang mukha ni lola sa bintana, kukunot ang noo at ngingiwi. Nakakaramdam ako ng pag-kaawa, awa na sana ay maibsan ang nararamdaman niyang paghihirap. Hindi nya alam napapadasal na rin ako kay Bro, na sana ay hindi na naghihirap ng ganito si lola. Hindi ko naman akalain na tutuparin kaagad yun ni Bro.

Alas tres y medya, nagsimula ng magiba ang pakiramdam. Kung titignan, hindi na ang nakasanayan kong nakikita na itsura ni lola habang nakahiga sa kanyang kama. Para itong kumurot sa aking puso. Pinaypayan ko sya ng sabihin nyang naiinitan sya kahit todo na ang settings ng aircon sa kwarto. Nagsimula syang manginig. Ikinagulat ko iyon, napahawak sya sa aking braso at tinitigan nya ako. Sumadali syang kumalma at pumikit ilang segundo. Sinilip ko sa labas at nakitang dumating na pala si papa at iniaabot na ang mga niresetang gamot sa kanya. Isang iglap, nagpatuloy ang paninigas ng katawan ni lola na syang bumalot ng takot sa akin. Mabilis kong tinawag ang atensyon ng mga
nurse pati na rin si papa. Hindi maawat ang aking pagpaypay sa kanya at pagsasabi na lakasan ang kanyang loob. Pumasok ang mga nurse at sinimulan siyang palibutan. Minabuti naming lumabas para makakilos ng maige ang mga ito. Kasunod nun ang isang doktor kasama ang isa pang nurse pagkabukas ng elevator. Sunod sunod na rin ang pagpasok ng iba’t ibang mga aparato at mga gamot. Sa malayo, nakikita ko ang nangyayri, ngunit hindi ko makita ang mukha ng aking lola. Tumagal ng mahigit 30 minuto ang mga doktor sa loob, bago idineklara na siya ay pumanaw na.
Sabi ko naman sa kanya, lakasan ang loob nya. Ang tigas pa rin ng ulo. Gaya ng pagbabawal sa kanya sa patuloy nyang pagyoyosi, kaya nagkakasakit sya. Ang tigas tigas talaga ng ulo ng lola kong yan… Ayaw lakasan ng loob…
Umaga, ipinamalita ko sa malalapit na kamag-anakan ang nangyari. Ilan ay napasugod, umiiyak, kahit madaling araw. Ang ilan ay parang walang nangyari.

Sumandali, napaluha ako. Kung naging mabuti pa sana akong apo, maaalagaan ko pa sana siyang mabuti. Kung naging mas masipag ako, maipaparamdam ko pa sa kanya na kahit minsan ay naiinis ako sa ugali nyang makulit, ayaw mapagsabihan ay siya pa rin ang pinakamamahal kong lola. Inis na inis ako sa tuwing nakikita ko syang naninigarilyo. Lalo siyang inuubo sa ginagawa nyang iyon, pero ayaw siyang tumigil sa bisyo na iyon. Sa mga sandaling iyon, naalala ko bigla ang mga panahon na sinasamahan ko siya sa lahat ng bagay. Ako ang kauna-unahan niyang apo na nakasama ng ganun katagal. Sa lahat ng bagay, kami ang maituturing na magkasangga. Hindi man ako ang paborito nya, o hindi sya nagkaroon ng mga paborito sa aming mga apo nya., sya pa rin ang pinakapaborito kong lola. Kahit anong tigas ng puso ko, hindi ko napigilan ang umiyak. Ito na nga iyong sandali na ayaw kong mangyari.

Hindi ko maiwasan na magkaroon ng
sama ng loob sa ilang mga tao. Tao na kung sino ang dapat na naririto, sila ang wala. Mga tao na hinahanap ng lola ko, na gusto nyang makita, ngunit nasaan? Hindi pera ang lumulutas sa isang karamdaman, o gamot, ito yung puso mo, ang puso mong handang mag-alaga, kumalinga para sa iyong ina na lubhang nangangailangan nito. Ano ba naman ang kaunting oras ng pagdalaw habang sya ay nasa ospital, pagsilip at pangungumusta ng ilang sandali. Pag-aalaga ng ilang araw, katumbas ay malaking saya at kaluwagan ng loob para sa aking lola. Sabi ko naman sa kanya, kung ako lang, sasabihin ko lahat ang dapat nilang marinig, pero pinigilan nyo ako. Yun ba ang dinala mo hanggang sa kabilang buhay?

Nov. 15, Linggo, inihatid na siya sa kanyang huling hantungan. Ito na siguro ang magsisilbing pinto sa kanya patungo sa kaharian ng Maylikha. Hindi na ako umiyak nung libing. Kahit mahirap, at nakikita ko silang lumuluha, ang mga tao na iyon, pinilit kong walang pumatak sa aking mga mata. Masaya na ang aking lola, gayun din ako para sa kanya, kasama ang ating Maylikha sa langit. Wala na siyang iniinom na mga gamot. Hindi na siya nakakaramdam ng anumang mga masasakit sa kanyang katawan. Hindi na rin siya nagdurusa at nahihirapan. Maluwag na ang kanyang pakiramdam. Ang dinarasal ko, kahit masakit ay ibinigay na ni Bro sa kanya.

Sa alaala ng aking pinakamamahal na lola,

Simeona C. Gonzales

(October 28, 1940 – November 10, 2009)

Panginoon, maraming salamat sa pagkakaluob sa aming ng isang mabuting lola, at sa pagiging isang mabuting ina sa aming lahat. Ang pagbibigay nang inuuna ang kapakanan ng kanyang mga anak bago ang kanyang sarili ay maituturing na isang mabuting ugali nya. Salamat po lola sa mga itinuro mo sa aking mabuting asal. Ang lahat pong iyon ay aking babaunin sa aking buhay. Humihingi ako ng kapatawaran sa aking mga nagawang kasalanan at ipinagdarasal ko pong nawa’y maging maayos ang inyong pananatili sa kaharian ng ating Maykapal. Maraming salamat po. Paalam, lelang (kung tawagin ko sya)… mahal na mahal kita.

***

Gusto ko pong magpasalamat sa lahat ng mga tao at mga malalapit na kamag-anakan ng aking lola at maging namin na lubos na tumulong mula sa simula hanggang sa huli, maraming salamat sa inyo. Sa mga nurse, doktor at empleyado ng Mandaluyong City Medical Center, marami pong salamat sa 3 linggo ninyong walang sawang pag-aalaga at pag-aasikasong medikal sa aking lola. Maraming salamat po

Maraming salamat din sa tita Nina ko at kay Lola Hermie na tumulong sa aking lola mula sa simula, marami pong salamat.

Sa aking ama na matyagang nag-alaga sa kanyang ina, ang aking lola, salamat din sa iyo. Hindi mo itinuring na responsibilidad lang ang lahat kundi isang gampanin ng isang tunay na anak para sa kanyang ina. Hindi tulad ng iba na puro salita ang alam.

Sa ilang mga kamag-anakan, alam nyo na kung sino kayo na tumulong sa pagpapalibing, sa mga kaibigan, pinsan, at kung sino sino na nagbigay ng abuloy, bulaklak, at mga ilang text messages ng pakikiramay, lubha po naming ikinatutuwa ang iyong pagdamay. Maraming salamat po.

Sa mga nakisugal at nagnakaw ng mga baraha at kumupit ng biskwit sa plato nang magpasugal kami sa tapat, mga tsong yung "tong" nyo naman hehe...

Kay Bro, ikaw na ang bahala sa lola ko, salamat din. -Anthony

Friday, November 6, 2009

Payward 610 - Part 7

Kung magdadahilan ka lang, mali ang tao na pinili mong utuin. Kung ako lang, hindi uubra ang mga amateur mong banat. Laos na sa akin ang mga hirit nyong hindi na kumita sa takilya. Sa akin nyo pa nakuhang umiskor ng panlalamang, eh iniisip nyo pa lang, nababasa ko na ang kahihinatnan ng inyong balak. Eh ano kung hinakot nyo na ang lahat ng gawain sa mundo? Magpaka-busy at lunurin ang mga walang kwenta nyong buhay sa inyong mga gawain, ang lagay kami lang ang nagsasakripisyo? Kung pupunto ako ng isang mabigat, yung may pinanghahawakan akong isang matibay na argumento, hindi ako mahihiyang ipaglaban ang punto na iyon, lalo at alam kong nasa tama ang katwiran ko. May mga sarili rin naman kaming buhay, may ginagampanan sa lupang ibabaw. Hindi lang kayo ang mga anak ng Diyos! Hindi lang kayo ang nangangailangang kumain at magpakain araw-araw. Hindi porket may naiibigay kayo na "kaunting" pampalubag o tulong man kung tawagin nyo na iyon, ay kayo na ang magaling. Hindi sa nagyayabang, hindi sa nagmamagaling, hindi sa nambabastos, kaya nga may pakiramdam, para makiramdam, hindi bawal gamitin.

....